SA LOOB NG LIMANG KABANATA

I.

“Anak ng…”

Pasigaw ng kanyang amo, dinugtungan  pa ng mura. Hindi man maintindihan ngunit bigla syang nakaramdam ng sakit. Siya’y napatahimik, napayuko at nagtago sa ilalim ng bangko.

Masama nanaman ang timpla ng amo. Gusto man niyang kulitin ngunit napangunahan siya ng takot dahil tadyak ang kanyang inabot nung minsan niya itong tabihan.Napapansin niya madalas ito umuwi nang nakasimangot, malalim ang iniisip at di kumikibo.  Nakakalimutan siyang pakainin,minsan isang beses sa isang lingo, minsan dalawang magkasunod na araw,  mas masaklap pag buong linggo. Kahit tinik ng paborito niyang GALUNGGONG, wala.

Sisitahin lang siya pag may kinakain itong KULISAP. Di niya alam kung ano ang gagawin sa amo. Pero tila mas malakas ang hinaing ng kanyang sikmura.

Gustung-gusto niya abutin ang paanan ng amo at makipaglaro ngunit mahigpit ang makapal na kadena sa kanyang leeg. Mabigat noong una ngunit wala siyang magagawa, tingin niya ito na ang kanyang kapalaran. Ang malayo sa ina’t mga kapatid, lumaki sa isang bahay na iisang tao lang ang kasama, na nakatali lang sa isang tabi sa labas ng bahay, tanaw tanaw ang bakanteng lote sa kanilang tapat. BInabantayang tutubo muli ang mga damo. Binabantayan kung kalian ito matutyo at tuluyang mamamatay. Nag aantay na balang araw ay makapaglaro doon kasama ang amo.

Kahit kailan, di niya naisip na magalit sa tuwing tatadyakan siya ng amo, bagkus, iwawagayway ang  maikling buntot  at makulit na tatalon talon, muling aasa kung makikipaglaro ang amo o masakit na sipa ang igaganti nito.

II.

Muli niyang napagbuntungan ng galit ang alaga.

Sasabog na ang kanyang utak sa dami ng iniisip, puputok naman ang puso sa mga inaalala.

Hindi siya ganoon dati, ngunit may nangyari.

Isang araw,tanghaling tapat,  sa SILID-AKLATAN, seryosong binabasa ang PANITIKANg di maintindihan. Napalinga ng kaunti at hindi inaasahang makita ang taong minsan niyang minahal,  ang taong pilit niyang binaon sa limot.

Ang babaeng unang nagpatibok ng kanyang puso. Ang una ring babaeng wumasak dito.

Si Sam, ang pag ibig na dating nakatira sa tapat ng kanyang bahay.

Biglang nagbalik  ang lahat sa kanyang ala-ala. Ang pagpapakilala at pagbigay ng ulam sa bagong kapitbahay, ang malakas na tahol ng buntis na aso nito, ang pagpaunlak na pumasok sa bahay nito. Pinuri ang LARAWANg nakasabit sa sala, biglang bumilis ang pag uusap ng kanilang mga mata. Nahantong sa mainit na halik. Sa edad na bente singko, mahirap ito maproseso, lalo na kung ito ang unang pagkakataon. Nasa kama na siya ng ibang tao nagkamalay, walang saplot at nakangiti. Tinititigan ang  natutulog na si Sam, tulad niya, nakangiti.

Naging masaya ang kapaligiran tila pinagpupunyagi ang kanyang unang halik. Ang dating matamlay na buhay ay nagkaroon na ng kulay.

Lumipas ang mga araw  at dumating ang kanyang kinatatakutan.  Kailangang mag alsa balutan ang babaeng nakatira sa tapat ng kanyang bahay. Bali-balita na pinirata siya ng isang KAGAWARAN  at hindi niya ito matanggihan. Kasabay ng mga tahol ng aso sa tapat ang pag iyak ng kanyang puso.

Ilang sandali pa, may kumatok sa kanyang pinto. Si Sam na may kargang maliit na tuta, nanginginig at nakapikit. “Para sa’yo, paki alagaan mo ha.” Nanganak daw ang kanyang aso, at di niya masasama sa paglilipat bahay ang pitong tuta. Planong iwan na lamang ang ilan at magpapaalam.

Ang kapitbahay ay tuluyan nang lumisan, wala na siyang balita simula noon.

Inalagaan ang tuta. Pinapakain, pinapaliguan at tinatali sa isang tabi.

Lumipas ang mga taon at lumaki na ang aso. Nabuwal na mga pader sa paligid ng napabayaang bahay. Nabulok na ang bubong nito at nagkaroon na ng mga damong ligaw sa paligid. Namamatay sa pagdating ng tag tuyot at mabubuhay muli pagdating ng tag-ulan.   Ngunit ang kanyang puso ay matagal nang patay, alam niyang hindi na muli titibok kalian man.

Ngunit  siya’y nagkamali.

III.

Maraming HINUHA ang nabuo.

Na hindi siya ang kanyang amo, kundi nasaniban ng isang MALIGNO?

Na may problema sa trabaho o may iniindang sakit.

Dilema na hindi siya makapagtanong sa amo gamit ang pagkahol .

Doon niya naramdaman na isa lang siyang aso. Naisapuso na niya ang kanyang kapalaran : nagkamulat siyang nakatali sa labas ng bahay, magiging taga bantay lang habambuhay. Babatiin ang paparating na amo, ‘di siya kikibuin, at mag aantay na papakainin. Mag aantay na siya papakawalan at sasamahang maglaro sa DAMUHANg kakatubo lang matapos ang ilang buwang tag-ulan.

IV.

Ilang bahay ang pagitan mula sa kinatatayuan, naririnig na niya ang kakaibang tahol ng kanyang aso. May halong lungkot at pagkabalisa. Naramdaman nito bigla ang pagsusumamo na maabot ang kung anu-man.

Di nagtagal ay nakaramdam ito ng kung anung sakit sa puso, tila may gusto kumawala, sumisigaw at tinatalo ang tahol ng kanyang aso. Di niya napansin na nakatayo na siya sa harap ng nakakandadong tarangkahan

V.

Biglang bumukas ang tarangkahan at iniluwa ang kanyang amo, naluluha siyang nilapitan at tinanggal ang kadena sa kanyang leeg.

Walang mapaglagyan ang kanyang tuwa, napatalon, napatahol at napawagayway ng buntot sa ligaya. ‘Di niya inaasahang may darating BAYANI sa araw na iyon. Bigla itong napatigil nang mapansing nakatingin lang ang amo sa kanya, nangingilid ang luha sa mga mata, tila bato, di natitinag sa kanyang pwesto.

Tinahulan niya ito at nagulat nga ito. Pinunasan ang mga luha at binuksan ang tarangkahan, tumakbo palabas  ang aso, dumiretso sa damuhang matagal na niyang inaasam na matapakan. Sinundan ito ni Dante, umupo sa damuhan at pinagmasdan ang mga SARANGGOLAng lumilipad sa kulay kahel na kalangitan, Malaya mang nakakalipad, ngunit nakatali parin sa kung saan.

Tinabihan ni Tagpi ang amo.

——WAKAS—–

Ang Maikling Kwentong ito ay ang aking lahok para sa “Bagsik ng Panitik” ng Damuhan.

13 responses

  1. Batch Natano

    the suuper talented Val… 🙂

    April 30, 2012 at 9:35 am

    • whoah! salamat batch 😀 pakikalat naman ung link at yung sa damuhan, hehehe baka sakaling kailanganin hehe, salamat 😀

      April 30, 2012 at 9:37 am

      • Batch Natano

        ano naman yang damong yan… matagal sigurong mamatay yan dahil damo…. hahaha
        🙂

        April 30, 2012 at 9:43 am

  2. Ang galing!

    May 1, 2012 at 12:41 am

    • Maraming salamat po!!! sainyo rin po, nakita ko sa damuhan yung site nio 😀

      May 1, 2012 at 4:49 am

  3. salamat po sa paglahok 🙂

    May 2, 2012 at 5:09 pm

  4. BON

    ang ganda naman nito! =) worth reading! salamat sa pagbahagi!

    May 17, 2012 at 9:14 pm

    • Salamat master. maraming salamat sa pagbasa at pagbisita 😀

      May 17, 2012 at 11:05 pm

  5. Nagbasa. Humusga. Napaisip ako sa ika-apat na kabanata. Akala ko mamamatay sa sakit sa puso si Dante. Haha! Mahusay. Good luck sa entry.

    May 20, 2012 at 12:31 am

    • maraming salamat sa pagdaan master. kakatwang isipin na iyon ang naisip niyong kakahantungan ni Danye, di ko inexpect un ah hehe. more power po. salamat sa pagbasa

      May 21, 2012 at 2:17 am

  6. marrymhey

    natuwa ako sa pagbabasa.
    sa isang pet lover na katulad ko, naiisip ko rin minsan kung anong naiisip ng mga alaga ko. hahahahah

    nice. ^^
    congrats sa pagiging isang kalahok. may chance pa sa top 3. aheheh

    May 23, 2012 at 12:47 am

    • maraming salamat sa pagdaan at pagbasa. inspired rin ng alaga namin sa bahay, dahil minsan naguiguilty pag napapabayaan kaya heto hehe..oo nga, sana , may pag asa pa sa top 3 😀

      May 23, 2012 at 2:03 am

      • marrymhey

        hahahhaha.. lagi mo kasi kausapin mga alaga mo.. ^_^
        best buddies ever. 🙂

        May 23, 2012 at 3:56 am

Leave a comment