Ticket

Puyat at nangungulila.

Nililibang ang sarili upang makalimutan ang nakaraan. Nagpapawis ang paligid dahil init ng katanghalian ngunit wala kang pakialam, gusto mo ng umuwi at tuluyang managinip at lisanin ang reyalidad. Paminsan minsan ay napupukaw ng iilan ang iyong pansin. Gintong pagkakataon. Ikaw lang ang nakakaalam ng sakit ng iyong nararamdaman at ng mga mumunting pangarap ang iyong kinasasabikan.

Binibilang mo ang bawat liko ng bus ng iyong sinasakyan. Nagagalit sa bawat hinto at nangingiti sa bawat pagkaripas nito. Sabik na sabik ka na sa iyong kama upang sa panaginip ay muli syang makasama.

Muling huminto ang bus sa ika dalawampu’t pitong pagkakataon. Tumagal ito ng ilang minuto. Sumakay ang iilan at bumaba ang karamihan, nasa bandang Cubao ka na pala nang di mo namamlayan.

Umandar muli ang bus. Balik sa pagkaripas ang iyong pananabik, gayun din ang bus na iyong lulan.

Maya’t maya’y may nangalabit sa iyo, sabay abot ng sobre ng isang dalaga, ika’y nginitian at umalis. Biglang nakabalik ka sa reyalidad, naramdaman mo ang init ng araw at nagpapawis na kapaligiran. Sinundan mo ng tingin ang dalagang nag-aabot ng sobre sa mga pasahero, tulad mo, lahat sila’y may kanya kanyang katanungan sa kanilang isipan.

Tinahak ng dalaga ang maugang daan papunta sa harapan ng bus. Humarap sa inyong lahat at nagsimulang mangaral. Tangan  man niya ang kanyang bibliya, di parin siya ligtas sa mga mapanuring mga mata. Kasama niya ang lakas ng loob sa pagkakataong iyon, taas noo siyang nagsalita kahit alam niyang walang gustong makinig sa kanya, na hindi siya maiintindihan ng karamihan dahil sa ingay ng syudad.

Natagpuan mo ang iyong sarili na binabasa ang bawat buka ng kanyang mga labi. Di ka nakikinig kundi namamangha. Tinitigan mo ang sobre saglit at di nag atubiling isilid ang iyong sukli. Alam mo na ang kanyang pakay ngunit di mo alam kung totoo o hindi.

Naglalakad sa gitna ng mapanghusga at walang pakialam na mga pasahero, isa-isang kinuha ang mga sobre, umaasang may laman ang mga ito. Huli ka niyang pinuntahan, inabot mo ang sobre at isang ngiti, sinuklian ka niya ng ngiti at bigla ka nyang tinabihan. Inisa isa niyang buksan ang mga sobre at inipon ang mga barya sa isang supot. Alam niyang nakatuon ang pansin mo sa kanya, tinitigan ka niya at nginitian muli. May sinasabi siya, ngunit di mo maintindihan dahil sa ingay ng paligid. Natigilan siya , tumayo at bumaba ng sasakyan.

Gusto mong magtanong pero di mo nagawa. Nanghinayang ka kung bakit di mo nabasa ang kanyang labi nang sinubukan ka niyang kausapin. Sa sandali mo syang nakatabi. Alam mo siya’y isang desenteng dalaga, malinis at wagas sa kanyang hangarin. Ngunit  di ka parin sigurado, kung nagtanong ka lamang.

Umandar muli ang bus at nawala unti unti sa iyong paningin ang dalagang iyon, malayo na ang iyong narating, ngunit nasa dalaga parin ang iyong isipan. Nakalimutan mo na ang iyong pananabik makauwi. Nakalimutan mo na may pangarap kang kanina mo pa inaasam-asam. Nasa dalagang iyon umiikot ngayon ang iyong isipian. Alam mong panandalian lang ngunit ano kaya kung nagtanong ka lamang?

Advertisements

One response

  1. Pingback: TICKET | Definitely Filipino

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s