Archive for August, 2011

Apat na Taon

Makalipas ang apat na taon, pinilit kitang limutin ngunit sa panaginip parin tayo nagtatagpo, ika’y ¬†nakangiti, nangungusap ang mga mata at tila nagbabantay.

Hapo na ang puso, sumuko narin ang aking isipan.

Sa tingin ko, hahayaan na lamang kita.

Namili ako, matulog na iniisip ang trabaho o matulog nang nanabik na muli kang makita. Naawa ako sa aking sarili at pinili ang una. Pipikit lamang, nakahiga sa kadiliman, mapahinga lang ang katawan.

Apat na taon at ika’y nakalimutan. Ako’y nakakahinga ng maluwag pero tila may kulang. Matagal tagal ko na ring magbantay, mangamba bago matulog. Minahal ko na ang dilim at alam kong komportable nang makakapahinga ang aking katawan at gigising kinabukasan ng may lakas.

Akala ko nailigaw na kita sa aking isipan matapos ang apat na taon.

Minsa’y nahimlay ako at unti unting binalot ng kadiliman at lamig. Hinele nito ang hapong katawan. Ako’y napangiti sa aking nararamdaman nang biglang nagliwanag at natagpuan ang sarili sa gitna ng malawak na kagubatan.

Bigla ako nakarinig ng pamilyar na boses.

Ang iyong boses na huli kong narinig apat na taon nang nakakaraan. ¬†Alam kong ika’y aking nakalimutan ngunit bigla akong nagulat nang nagsimula akong maglakad, sumusunod sa dikta ng aking puso na ika’y hanapin.

Manipis ang hangin at madulas ang mga makikitid na daan, madamo ang kapaligiran at tila maraming nagmamasid, ngunit di ito ininda ng aking katawan, mahanap ka lamang.

Unti-unting nawala ang iyong boses ngunit unti-unti rin akong bumabalik sa aking katinuan. Natagpuan na lamang ang sarili na nawawala sa gitna ng kagubatan, gulong-gulo ang isipan at pagod ang katawan.

Kulang ang apat na taon upang ika’y kalimutan