Si Daniel sa tatlong buntunghininga

Bigla kang nagising. Naalimpungatan at nainis. Dal’wang oras ang ginugol mo para mapagod ang mga mata upang ika’y makatulog. Pilit mong binura ang isang linggong pag-ibig na dahilan ng iyong pagkahapo. Pinilit ang sariling hindi magisip sa kung anumang bagay na nagpapaalala sa kanya. Muli, bigla kang nainis sa lahat ng pangyayari. Dagdag problema pa tuloy kung paano ka muli makakatulog.

Umaandar ang oras at tangi mo lang magagawa ay ang maging tulala sa mga susunod na minuto. Muli mo siyang maalala, ang ngiti sa kanyang mga labi, mga panahong siya’y nahagkan at mga pagkakataong gumaan ang iyong pakiramdam sa bawat pagtagpo ng inyong mga mata. Biglang sumakit ang iyong ulo, mahirap makalimutan ang taong minsan naging dahilan ng iyong paghinga.

Madilim sa loob ng iyong kwartong napapalibutan ng kanyang mga alaala, ang mga litrato ninyong dalawa, nakangiti sa kawalan. Mga kabibeng iyong inipon sa isang bote  para makuha ang matamis niyang  oo Ang mabangong  suklay na lagi niyang gamit. At ang librong una mong binili para sabay niyong basahin, para kayo’y makatulog at sabay ring managinip.

Malamig, nakakabingi ang malakas na patak ng ulan sa bubungan ng iyong kwarto. Tila inaagaw ang iyong atensyon sa puso mong kanina pa humihiyaw. Pero dahil malapit sa tainga ang iyong puso, naiintindihan mo ang galit na kanina pa nito binubulyaw sa iyo. Tinatanong ka niya kung bakit kailangan humantong ng ganito. Wala kang maisagot at di mo alam kung bakit.

Tumila na ang ulan at ang puso mo’y biglang tumahimik. Ang buwan ay unti unting nagbabalik sa kalangitan at dinidiligan ng liwanag ang iyong madilim na kwarto. Malamig parin sa paligid pero di ka naghanap ng kumot, andun ka parin, tulala pero nakangiti, bigla kang nakaramdam ng yakap, kumalma ka ng tuluyan at muling nakita ang kanyang maaliwalas na mukha. Sinalo muli ng iyong kama ang iyong pagod na katawan, tulirong isipan at paos na puso.  Idinilat mo muli ang namumugtong mga  mata at tinanaw ang buwan sa bintana. Andun siya sa kalangitan, naglalaro malapit sa buwan at hindi na sa iyong isipan.

Kahit malayo, ramdam mong nagtagpo ang inyong mga mata, nagpalitan ng ngiti at tuluyan nang namaalan sa isa’t isa. Sa isang kisap mata’y siya’y biglang naglaho, pero di ka nalungkot dahil alam mong siya’y nakatago kung saan sa iyong puso. Ang mga alaala’y naibaon mo na iyong kamalayan. Tuluyan mo nang isinara ang iyong mga mata, pero hindi ang puso. Mahal mo parin ang babaeng naglalaro sa liwanag ng buwan.

Puyat at nangungulila.

Nililibang ang sarili upang makalimutan ang nakaraan. Nagpapawis ang paligid dahil init ng katanghalian ngunit wala kang pakialam, gusto mo ng umuwi at tuluyang managinip at lisanin ang reyalidad. Paminsan minsan ay napupukaw ng iilan ang iyong pansin. Gintong pagkakataon. Ikaw lang ang nakakaalam ng sakit ng iyong nararamdaman at ng mga mumunting pangarap ang iyong kinasasabikan.

Binibilang mo ang bawat liko ng bus ng iyong sinasakyan. Nagagalit sa bawat hinto at nangingiti sa bawat pagkaripas nito. Sabik na sabik ka na sa iyong kama upang sa panaginip ay muli syang makasama.

Muling huminto ang bus sa ika dalawampu’t pitong pagkakataon. Tumagal ito ng ilang minuto. Sumakay ang iilan at bumaba ang karamihan, nasa bandang Cubao ka na pala nang di mo namamlayan.

Umandar muli ang bus. Balik sa pagkaripas ang iyong pananabik, gayun din ang bus na iyong lulan.

Maya’t maya’y may nangalabit sa iyo, sabay abot ng sobre ng isang dalaga, ika’y nginitian at umalis. Biglang nakabalik ka sa reyalidad, naramdaman mo ang init ng araw at nagpapawis na kapaligiran. Sinundan mo ng tingin ang dalagang nag-aabot ng sobre sa mga pasahero, tulad mo, lahat sila’y may kanya kanyang katanungan sa kanilang isipan.

Tinahak ng dalaga ang maugang daan papunta sa harapan ng bus. Humarap sa inyong lahat at nagsimulang mangaral. Tangan  man niya ang kanyang bibliya, di parin siya ligtas sa mga mapanuring mga mata. Kasama niya ang lakas ng loob sa pagkakataong iyon, taas noo siyang nagsalita kahit alam niyang walang gustong makinig sa kanya, na hindi siya maiintindihan ng karamihan dahil sa ingay ng syudad.

Natagpuan mo ang iyong sarili na binabasa ang bawat buka ng kanyang mga labi. Di ka nakikinig kundi namamangha. Tinitigan mo ang sobre saglit at di nag atubiling isilid ang iyong sukli. Alam mo na ang kanyang pakay ngunit di mo alam kung totoo o hindi.

Naglalakad sa gitna ng mapanghusga at walang pakialam na mga pasahero, isa-isang kinuha ang mga sobre, umaasang may laman ang mga ito. Huli ka niyang pinuntahan, inabot mo ang sobre at isang ngiti, sinuklian ka niya ng ngiti at bigla ka nyang tinabihan. Inisa isa niyang buksan ang mga sobre at inipon ang mga barya sa isang supot. Alam niyang nakatuon ang pansin mo sa kanya, tinitigan ka niya at nginitian muli. May sinasabi siya, ngunit di mo maintindihan dahil sa ingay ng paligid. Natigilan siya , tumayo at bumaba ng sasakyan.

Gusto mong magtanong pero di mo nagawa. Nanghinayang ka kung bakit di mo nabasa ang kanyang labi nang sinubukan ka niyang kausapin. Sa sandali mo syang nakatabi. Alam mo siya’y isang desenteng dalaga, malinis at wagas sa kanyang hangarin. Ngunit  di ka parin sigurado, kung nagtanong ka lamang.

Umandar muli ang bus at nawala unti unti sa iyong paningin ang dalagang iyon, malayo na ang iyong narating, ngunit nasa dalaga parin ang iyong isipan. Nakalimutan mo na ang iyong pananabik makauwi. Nakalimutan mo na may pangarap kang kanina mo pa inaasam-asam. Nasa dalagang iyon umiikot ngayon ang iyong isipian. Alam mong panandalian lang ngunit ano kaya kung nagtanong ka lamang?

Makalipas ang apat na taon, pinilit kitang limutin ngunit sa panaginip parin tayo nagtatagpo, ika’y  nakangiti, nangungusap ang mga mata at tila nagbabantay.

Hapo na ang puso, sumuko narin ang aking isipan.

Sa tingin ko, hahayaan na lamang kita.

Namili ako, matulog na iniisip ang trabaho o matulog nang nanabik na muli kang makita. Naawa ako sa aking sarili at pinili ang una. Pipikit lamang, nakahiga sa kadiliman, mapahinga lang ang katawan.

Apat na taon at ika’y nakalimutan. Ako’y nakakahinga ng maluwag pero tila may kulang. Matagal tagal ko na ring magbantay, mangamba bago matulog. Minahal ko na ang dilim at alam kong komportable nang makakapahinga ang aking katawan at gigising kinabukasan ng may lakas.

Akala ko nailigaw na kita sa aking isipan matapos ang apat na taon.

Minsa’y nahimlay ako at unti unting binalot ng kadiliman at lamig. Hinele nito ang hapong katawan. Ako’y napangiti sa aking nararamdaman nang biglang nagliwanag at natagpuan ang sarili sa gitna ng malawak na kagubatan.

Bigla ako nakarinig ng pamilyar na boses.

Ang iyong boses na huli kong narinig apat na taon nang nakakaraan.  Alam kong ika’y aking nakalimutan ngunit bigla akong nagulat nang nagsimula akong maglakad, sumusunod sa dikta ng aking puso na ika’y hanapin.

Manipis ang hangin at madulas ang mga makikitid na daan, madamo ang kapaligiran at tila maraming nagmamasid, ngunit di ito ininda ng aking katawan, mahanap ka lamang.

Unti-unting nawala ang iyong boses ngunit unti-unti rin akong bumabalik sa aking katinuan. Natagpuan na lamang ang sarili na nawawala sa gitna ng kagubatan, gulong-gulo ang isipan at pagod ang katawan.

Kulang ang apat na taon upang ika’y kalimutan

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s